MAYNILA, PILIPINAS, HULYO 21, 2021 — Habang patuloy na naghahanap ng pakikipagtulungan ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) para masuportahan ang film at entertainment industry sa pamamagitan ng pagpapabakuna ng mga manggagawa nito, inaprubahan ng Lungsod ng Maynila sa pamumuno ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, na isa ring aktor, ang pakikipagtulungan ng FDCP National Registry (NR) at ang programang “Vaccine Nation is the Solution” ng Maynila.
Sa pakikipagtulungang ito ng FDCP National Registry at Lungsod ng Maynila, tutulong ang pambansang ahensya ng pelikula sa proseso ng pagbabakuna na isasagawa ng Lungsod ng Maynila para sa 3,500 na registrants sa ilalim ng National Registry for Audiovisual Workers (NRAW) na may higit na 5,000 na registrants.
Ipapasa ng FDCP NR ang listahan ng NRAW registrants kasama ang kanilang impormasyon at requirements sa Lungsod ng Maynila. Mariing antayin ng NRAW registrants ang text message at email mula sa NR para malaman ang mga susunod na hakbang sa pagpapabakuna sa “Vaccine Nation is the Solution” ng Maynila.
Nakikipag-ugnayan ang FDCP sa Manila Health Department para sa mga detalye ng vaccination schedule para sa NR registrants. Ihahayag ang mga karagdagang impormasyon sa lalong madaling panahon.
“Vaccination is really the solution to restart the recovery of our sector. We express our gratitude to Mayor Isko Moreno for his kindness and generosity in supporting our workers with their vaccination process. Napakahalagang mabakunahan agad ang ating mga manggagawa sa pelikula at mga audiovisual content sector para unti-unting nating maibalik ang sigla ng industriya sa gitna ng pandemya,” sinabi ni FDCP Chairperson at CEO Liza Diño.
Samantala, lubos na nagpapasalamat ang FDCP kay Mayor Isko Moreno at sa Lungsod ng Maynila para sa pagbabakuna ng lahat ng empleyado ng FDCP sa Cinematheque Centre Manila. Layunin nitong siguruhin ang kaligtasan at kalusugan ng mga empleyado ng FDCP na patuloy na nagbibigay serbisyo publiko para sa film at AV industry stakeholders sa gitna ng pandemya. Nasa distrito ng Ermita ang opisina ng FDCP, kung saan naroon ang Cinematheque Centre Manila.
“The Film Development Council of the Philippines has been supporting our film and AV stakeholders through assistance and development programs as well as events even amid the pandemic. With a fully vaccinated workforce, the FDCP will be able to do more for the film and audiovisual industry, which needs all the support it can get as it strives to bounce back from the global health crisis,” idinagdag ni Diño.
Noong Hunyo, inaprubahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagbabakuna ng 1,500 na NR registrants sa ilalim ng #QCProtekTODO program, at ginanap ang “Bakuna Nights para sa Film at Entertainment Workers” noong Hunyo 24, Hulyo 1, Hulyo 8 sa Quezon City Hall. Ang second dose schedules ay sa Hulyo 22, Hulyo 29, at Agosto 5.
Para sa NR registrants na nais magparehistro sa kanilang local government units, maaari nilang ipakita bilang proof of occupation ang kanilang FDCP National Registry Certification na puwedeng i-download mula sa kanilang MyFDCPRegistry Profile sa NR website (nationalregistry.fdcp.ph). Magagamit ito ng freelance workers na walang company ID dahil kailangan nilang patunayan na kasama sila sa A4 Priority Group.
Ang FDCP, na nag-lobby para sa pagbabakuna ng film at AV workers simula 2020, ay nais tulungan ang lahat ng NR registrants sa kanilang pagbabakuna. Para sa film at AV workers at freelancers na gustong mag-register sa FDCP NR, maaari silang bumisita sa NR website upang sagutin ang registration form.
Para sa mga katanungan, magpadala ng email sa [email protected] o bumisita sa https://nationalregistry.fdcp.ph.
- Log in to post comments