Film & Audiovisual Workers at Freelancers, Maaaring Mabakunahan sa ilalim ng A4 Priority Group

#

MAYNILA, PILIPINAS, HUNYO 8, 2021 - Maaari nang magparehistro ang film at audiovisual (AV) workers sa kani-kanilang local government units (LGUs) para sa kanilang pagbabakuna matapos na palawakin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang A4 Priority Group para sa mga manggagawa sa pribadong sektor at mga freelancer na nagtatrabaho sa labas ng kanilang mga tahanan.

Ito ay inihayag noong Hunyo 7 sa NCR+8 Commitment Ceremony at Symbolic Vaccination ng A4 Priority Group para sa paglulunsad ng programa ng pagbabakuna para sa mga manggagawa sa A4. “With the start of our mass vaccination, the A4 priority category, our workers in both public and private sector, will have an added layer of protection against the disease,” pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang video message. 

Alinsunod sa IATF Resolution No. 114, ang Implementing Guidelines para sa A4 Priority Group ay may tatlong klasipikasyon na may prayoridad para sa NCR+8 na lugar (National Capital Region, Bulacan, Pampanga, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Metro Cebu, at Metro Davao) para sa Phase 1 na susundan ng mga lugar sa labas ng NCR+8 para sa Phase 2:

A4.1 - Mga manggagawa sa pribadong sektor na nagtatrabaho sa labas ng kanilang mga tahanan

A4.2 - Mga empleyado sa mga ahensya ng gobyerno at instrumentalities nito, kabilang ang government-owned o controlled corporations (GOCCs) at LGUs

A4.3 - Mga informal sector worker at self-employed na nagtatrabaho sa labas ng kanilang mga tahanan at mga nagtatrabaho sa private households 

Ayon sa Department of Health (DOH) Department Memorandum (DM) No. 2021-0259, ang mga establisyemento, ahensya, at samahan ay maaaring magbigay sa mga manggagawa sa A4 ng mga proof of eligibility tulad ng, ngunit hindi limitado sa, kanilang company ID, mga kontrata o permit, mga certificate of eligibility, o kahit na anong proof of occupation.

“Malugod na tinatanggap ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang pagpapalawak ng A4 priority group, na kabilang na ang film at audiovisual workers. Nag-lobby kami para rito simula noong 2020 dahil ang pagbabakuna ay susi para maipagpatuloy ng industriya ang mga aktibidad nito,” sinabi ni FDCP Chairperson at CEO Liza Diño. 

Nag-lobby ang pambansang ahensya ng pelikula para sa pagbabakuna ng film at AV workers sa IATF, DOH, at National Economic and Development Authority (NEDA). Ipinagpatuloy ni Diño, “Handa ang FDCP na tulungan ang ating film workers kung kailangan nila ng proof of eligibility para mabakunahan sa ilalim ng A4 priority group. Sa pamamagitan ng FDCP National Registry, makapagbibigay kami ng certification sa lahat ng NR registered workers na maaari nilang magamit bilang patunay na sila ay active film worker. Salamat IATF sa pagdinig sa panawagan ng working sector na mabigyang halaga ang kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa.”

Ang film at audiovisual workers, na dating isinasaalang-alang para sa C Group at pagkatapos ay para sana sa B3 Group, ay bahagi na ng 35 milyong essential workers o economic frontliners ng A4 Priority Group. Sa pagsisimula ng rollout ng pagbabakuna para sa A4, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, Jr. na ito ay isang makasaysayang sandali.

“Ang pagbabakuna sa A4 ay masasabi nating game changer sa ating laban dito sa COVID-19. Layunin natin na ligtas na makapaghanapbuhay ang ating mga manggagawa. Ito rin ang magsisiguro na kahit andiyan ang coronavirus ay hindi masisira o matitigil ang serbisyo ng ating pamahalaan,” wika ni Roque sa symbolic vaccination event na idinaos sa SM Mall of Asia sa Pasay City. 

Ipinahayag din niya na depende sa bilang ng mga bakuna na darating sa mga susunod na buwan, maaaring bigyang prayoridad ang mga manggagawa sa A4 na may edad na 40 hanggang 59 kung mayroong limitadong supply ng bakuna. Hinihikayat din ang mga manggagawa sa A4 na makipag-ugnayan sa kanilang LGU tungkol sa supply ng mga bakuna sa kanilang lugar.

Maaaring humingi ang FDCP National Registry Workers ng certificate of registry mula sa FDCP para magamit bilang proof of occupation. Para sa iba pang film at AV freelancers na nais mag-register sa National Registry, magpadala ng email sa [email protected] o bumisita sa https://nationalregistry.fdcp.ph

Para sa karagdagang impormasyon:

IATF Resolution No. 114: http://bit.ly/IATFResolution114  

DOH DM No. 2021-2359: http://bit.ly/DOHDM2359